Pasasalamat

myWeb-Blog Designs

Monday, March 30, 2009

B1 Gang: Pagbabalik-Tanaw

Tandang - tanda ko pa noong ako'y nasa high school, madalas gumagawa kami ng book report. Iba't ibang libro ang pinapabasa sa amin ng aming mga guro. Gagawan pa namin ito ng summary at sa bandang huli'y huhusgahan ang buong kwento.


Sa dinami-dami ng ginawa ko'ng book reports noong high school, may libro ang tumatak sa akin na hanggang ngayon ay patuloy at paulit-ulit ko'ng binabasa at ito ay ang B1 Gang.

Photobucket



Ito ang kwento ng mga magkakabarkadang sina Gino, Kiko, Boging at Jo: mga high school teeners na gustong maging investigative journalists sa kanilang pagtanda. Lumilibot sila sa iba't ibang parte ng Pilipinas at nagreresolba ng mga misteryo sa tulong ng kanilang hinahangaang mamamahayag na si Mike Rodrigo.


Ginawa ang B1 Gang para mabalanse ang mga banyagang libro na noo'ng mga taon'g yun ay namamayagpag sa isip ng bawat kabataang pinoy.


Itinuro ng B1 Gang ang pagpapahalaga sa lahing Pinoy, kultura at magagandang lugar sa Bansa.

Nabuo ko ang koleksiyon ng B1 Gang books at hanggang ngayon ay nasa akin pa rin ang mga ito. Hindi ko maikakaila na naging interesado ako'ng magbasa ng libro dahil dito. Kung pagaganahin mo ang iyong imahinasyon habang nagbabasa nito, para mo na ring narating ang mga lugar na nabanggit sa aklat.


Narito ang listahan ng mga aklat ng B1 Gang. Maaaring bihira lang ang nakakaalam ng mga ito pero sinasabi ko sa inyo na isa ito sa mga magagandang libro na aking nabasa.



Prequel EPISODE ONE - BOOK 1 Free eBook!
Prequel EPISODE ONE - BOOK 2 Free eBook!
Case File No.1 HALIMAW SA WAWA
Case File No.2 LIHIM NG BATONG BUGHAW
Case File No.3 LIHIM NG DILIM
Case File No.4 HIWAGA NG NAWAWALANG AGILA Free eBook!
Case File No.5 REBULTO SA BAHAY NA BATO Free eBook!
Case File No.6 MISTERYO SA LIBINGANG-YUNGIB Free eBook!
Case File No.7 MASKARA NI LONGINO Free eBook!
Case File No.8 WILDLIFE DETECTIVES Free eBook!
Case File No.9 MATA NG DIYABLO Free eBook!
Case File No.10 ASWANG SA HATINGGABI Free eBook!
Case File No.11 DIWATA NG BULKAN Free eBook!
Case File No.12
Case File No.13 SUMPA NG MOMBAKI







Monday, March 23, 2009

Top Ten Beaches sa Pilipinas

Sobrang init na nga talaga ng panahon. Imagine, kakaligo mo pa lang ay pinagpapawisan ka na. Tila kahit anong lakas ng buga ng hangin at air conditioner ay hindi pa rin ito sapat para maibsan ang alinsangang nadarama natin ngayon. Nagsusulputan na rin ang mga iba't ibang palamig tulad na lang ng sago't gulaman, saba con yelo, mais con yelo at ang paborito ng mga pinoy na halu-halo. Isang pagpapatunay na summer na!

Kaya naman ngayong panahon ng tag-init, usung uso na ang mga pagpunta sa mga resorts at beaches. At hatid ko ngayon ang top ten beaches dito sa pinas. Kung hindi lang mahirap ang buhay, pinuntahan ko itong lahat.


1. Boracay - ang paboritong puntahan ng mga beach-lovers dahil sa famous white sand nito. Lokasyon: Panay.


2. Pagudpod - ang Hawaii-look-alike. White sand din at ang malaks na alon ay maikukumpara sa Hawaii. Kumpara sa Boracay, mas secluded ang Pagudpod.


3. Mactan Island - isa sa magandand beach ng Queen City of the South, Cebu. Maraming night-life activities para sa mga night person.


4. Panglao - sa mga gusto'ng magdive, bisitahin ang maliit na islang ito malapit sa Bohol.


5. Camiguin - ang tinuturing ng karamihan na Garden of Eden. May mga hotsprings at talon (falls)


6. Dakak - pribadong beach na may puting buhangin din na halintulad sa pulbos.


7. Honda Bay - mga islang nakapalibot sa South Western Province of Palawan. Pwedeng mag island-hopping, diving at swimming siyempre.


8. El Nido - ang tinatawag na Last Frontier at Palawan - ang Island of the Gods. Mainam itong punatahan kung hanap mo ay peaceful at quiet place. Maliban sa mismong beach, ang mga naggagandahang view ng mga seascapes ay isa ring atraksiyon.


9. Pearl Farm - matatagpuan sa Davao. Sa kasamaang palad, wala nang masyadong perlas ngunit puting buhangin din ang beach na ito.


10. Siargao - para sa mga surfers, ito ang lugar para sa inyo. Ang mga alon ay umaabot ng hanggang labindalawang talampakan.


At iyan ang "PINAKA" magagandang beaches sa Pinas.


Sanhi: http://www.netguard.dk/top-ten-beaches-philippines.php





Monday, March 16, 2009

Komento at Paninira

Ang mga bloggers, napapagod din. Dumarating din sa punto na para ban'g ayaw ng magsulat lalung-lalo na kapag may mga pilit na naninira sa kanila. Kung simpleng paninira lamang ay makakaya pa'ng tanggapin pero ang yurakin ang mga pagkatao nila ay talaga namang di na katanggap-tanggap.

Sa ilang buwan ko'ng pagsusulat dito sa damuhan, makailang ulit din ako'ng nakatanggap ng mga di magagandang komento. Kunsabagay, hindi mo naman talaga mapeplease ang lahat ng mga readers. Kanya-kanyang opinyon 'ika nga. May mga nagsabi na corny ang mga pinagsususulat ko. Meron ding nagkomento na gawa ng iba ang mga sinusulat ko tulad na lamang ng Kwentong Lamok. May mga nagpopost din ng mga mensahe sa shoutbox na naninira sa mga sulat ko.

Minsan nang nangyari ang ganito sa isang blog ng kapwa ko blogger na si Enday. Pero nagpatuloy pa rin siya sa pagsusulat at di inalintana ang mga negative write-ups sa blog niya. Hindi ko lang malubos maisip kung bakit pati ang damuhan ay pinupuntirya ng mga walang kwentang nilalang na walang magawa kundi siraan kaming mga bloggers.


Sa pagkakataong ito, hindi ko na napigilang manahimik na lang matapos ko'ng mabasa ang isang panlalait sa aking sariling pagkatao. Wala daw ako sa tamang pag-iisip kaya ganito lang ang mga pinagsususulat ko. Ano ba naman daw ang naisip ko at nagpacontest pa ko? Ako daw ang abnormal at walang kakwenta-kwentang blogger. May sayad. Inutil. Feeling magaling. Feeling Bob Ong.


Unang-una, humihingi ako ng paumanhin kung ang mga naisulat ko ay hindi swak sa iyong panlasa. Pangalawa, bakit hindi mo subukang magblog ng maranasan mo rin kung pano laitin katulad ng ginawa mo sa akin. Pangatlo, hindi mo ako kilala para sabihin ang mga ganyang pananalita. Oo. May sayad ako. Pero hindi ako inutil at feeling Bob Ong. Minsan ko nang sinabi na isa si Bog Ong sa inspirasyon ko pero hindi ko siya ginagaya. At higit sa lahat, TAE ka!


Sa kabila ng mga negatibo'ng komento, nagpatuloy pa rin ako sa pagsusulat. Parang showbiz din ang blogging. Hindi mo malalaman kung sino ang mga kaibigan at kung sino ang mga plastic na tao at mga naiingit. May mga pilit manghihila sa iyo pababa hanggang sa tuluyan ka nang bumagsak sa lupa. Pero ang sa kin lang, ang mga tao'ng ito na nanghahamak ng pagkatao ang siyang unang-unang babagsak.




Monday, March 9, 2009

Uuwi na Ko

Paunawa: Kung may narinig o nabasa man kayong kwento na tulad nito, wala na po ako'ng magagawa. hindi ako nang-aangkin ng mga kwento. Ang kwentong ito ay batay sa aking sariling pag-iisip at anumang pagkakahawig ay hindi sinasadya.



Ring Ring!

Malakas ang tunog ng telepono sa bahay ng Pamilya Cruz. Tila ba isang bomba ito na handang-handa ng sumabog kapag hindi nasagot ng miyembro ng pamilya. Malumanay na lumapit si Aling Lita, ang ilaw ng tahanan, sa telepono para ito'y sagutin.

"Hello?" ani Aling Lita.


"Hello? Ma?" ang narinig na sagot ni Aling Lita sa kabilang linya.


"Rigor! Anak ko! Mabuti naman at napatawag ka. Miss na miss ka na namin ng tatay mo." ang tuwang tuwang sabi ni Aling Lita sa anak. Isang sundalo ng Amerika si Rigor.


"Jaime! Parine ka nga rito at nasa telepono ang anak mo." tawag nito sa kabiyak.


Agad namang lumapit si Mang Jaime sa asawa na ng mga oras na iyon ay ini-on na ang speaker phone.



"Rigor? Musta ka na anak? Nabalitaan namin yung giyera sa Pakistan ah. Ok ka ba?" sunud-sunod na tanong ng ama ni Rigor sa kanya.


"Maayos naman ako 'Pa. Masuwerteng nakaligtas kami at nagwagi laban sa mga sundalong Pakistani." ani Rigor.


"Aba'y mabuti naman kung ganun. Alalang-alala kami ng Mama mo." ani Mang Jaime.


"Siyanga po pala ma, pa. Next month po ay uuwi na ko."


"Talaga? Napakagandang balita nyang anak. Mabuti iyan at magkakasama-sama na uli tayong tatlo ng papa mo." ani Aling Lita.


"Tama yun anak! Umuwi ka na dito ng di na rin kami nag-aalala ng mama mo. At ng mabuo uli ang pamilya natin." sagot ni Mang Jaime.


"Opo pa, ma. Pero may ipapakiusap po sana ako. May isa po ako'ng kaibigan. Kapareho ko'ng sundalo. Wala na po siyang mababalikan sa 'Pinas. Wala na rin po syang kaliwang kamay at kanan paa. Maari po bang sa tin na siya tumira?" tanong ni Rigor.



"Ha? Ano ka ba naman Rigor? Ang isang tao'ng kulang-kulang ang parte ng katawan ay isa lamang malaking pabigat sa tin. Dagdag palamunin lang yan." ani Mang Jaime


"Siyanga naman anak. Sa ibang kaibigan mo na lang siya patuluyin." gatong ni Aling Lita sa apoy.


"Sige po ma, pa. Salamat" yun lang at biglang namatay ang linya ni Rigor.


Isa.....



Dalawa...


Tatlo.



Tatlong buwan ang matuling lumipas ngunit walang Rigor ang dumating sa tahanan ng Pamilya Cruz. Sa mga nagdaang buwan ay ni tawag o sulat ay wala rin silang natanggap. Tila baga nawalan sila ng komunikasyon sa anak.


Hanggang isang araw ay nakatanggap na sila ng sulat mula sa embahada ng Amerika. Isang malungkot na balita ang sumambulat sa kanila....







Nagpakamatay si Rigor.





Agad silang nagpunta ng Amerika para kilalanin ang bangkay. Kumpirmadong si Rigor nga ang tao'ng nagkitil sa kanyang sariling buhay. Ngunit ang hitsura nito ang talagang gumulat sa mag-asawa.



Ang kanilang anak na si Rigor, wala nang kaliwang kamay at kanang paa.



Noon lang din nila napagtanto na ang tinutukoy ni Rigor na "kaibigan" ay walang iba kundi ang sarili niya.



Laking pagsisisi ng mag-asawa sa sinabi nila kay Rigor noo'ng kausap nila ito sa telepono.

MALAKING PABIGAT.



Di na rin nila napansin ang tuloy-tuloy na pag-agos ng kanilang mga luha habang tinitingnan ang bangkay nang kanilang kaisa-isang anak.









Monday, March 2, 2009

Ang Cellphone at ang Kolehiyala

"Bayad po, SM Southmall. Paki-abot po. Salamat." Narinig ko'ng sabi ng isang estudyante sa aking likuran sabay kalabit sa aking balikat.


Agad ko'ng inabot ang kanyang bayad at ibinigay sa driver ng FX na sinasakyan namin papunta'ng Las Piñas. Matiyaga ako'ng nag-antay na mapuno ng pasahero ang sasakyan hanggang sa tuluyan na ito'ng umandar.



Sa kabila ng traffic ay nakuha ko pa'ng mag-enjoy sa biyahe gamit ang aking ipod na pinuno ko ng mga kanta ng mga paborito ko'ng opm bands. Ngunit sa kabila ng lakas ng tugtugin mula sa nasabing gadget ay di pa rin nakaligtas sa aking pandinig ang tila umano'ng excited na boses na isang babae.



Napatingin ako sa salamin ng fx at aking natanawan ang kolehiyalang nakiabot ng bayad na sobrang ingay sa pakikipagusap sa kanyang bago'ng cellphone. Di ko na natiis at pinatay ko na lang ang aking ipod. Noon di'y nakita ko siyang pumindot sa kanyang telepono at nag-antay na may sumagot sa kabilang linya. Hindi naman siya nabigo.




"Hello Ariel! Genelyn to. Oo! Ako nga! May bago na ko'ng cellphone!!! N90! Yeah!!! Save mo number ko ha. It's 0927-264-6***!. Yun nga!. Actually papunta ako sa SM to shop for clothes. Kadarating lang ng allowance ko from my dad eh. 10k for 2 weeks!!! So paano, text mo ko ha. bye!"


Masyado'ng excited ang dalaga na hindi na nya yata napag-isip-isip na lalabas ang kanyang numero sa screen ng telepono ng kanyang tinawagan dahil sa caller id. Akala ko'y tapos na ang kanyang pagtatawag ngunit muli na naman ito'ng dumial ng mga numero.



"Hello Jessy! Genelyn to. Pupunta ako'ng SM kasi dumating na yung allowance ko'ng 10k eh. Shopping galore to the max! Ay oo nga pala, save mo to'ng number ko ha. Tapost 3g call tayo. It's 0927-264-6***. Ok? Cgeh, ciao!"


Hindi ko na mabilang kung ilang kaibigan at kamag-anak ang kanyang tinawagan. Hanggang sa nakarating na siya sa kanyang destinasyon. Nagpatuloy ang aking paglalakbay hanggang makarating sa aking pupuntahan sa Las Piñas. Pero hindi ko lubos maisip kung ano ang pumasok sa utak ko at naisipang itext ang babaen'g yon para bigyan ng babala.



"Hi! Pls b cautious n divulging info n pblic."


***nokia tune***


"Hu u! Wer did u get my #?" ang reply ng dalaga.


"Kung masama ako'ng tao, d na sna kta babalaan. Kasakay m k sa fx at dming nakrinig ng nmber mo. Alam k rn n my 10k ka at nsa sm southmol ka. Nxt tym, mag-ingat ka dahil kung iban'g tao ang nakrinig ng mga yan, malamang, nahold up ka na." Sagot ko.



Matapos ko'ng replayan ang dalaga ay nilapag ko ang aking cellphone sa mesa at nagsimula nang maghapunan. Mga ilang minuto lamang ang nakakalipas ay muling tumunog ang aking telepono.

"TY ha. Cn u b my txtm8?"



Natawa na lang ako sa kanyang mensahe at pinatay ang aking telepono. Matapos kumain ay nagpalipas ako ng mga ilang minuto bago tuluyan ng nahiga sa king malambot na kama.