Isa na naman'g kontribusyon mula kay lunatic ang inyong mababasa. Sana'y magustuhan ninyo ang kangyang likha.
BABALA: WAG NA WAG KAKANTIIN ANG MGA TAONG MAY SUGAT SA BIBIG
Basta may singaw ako, mainit ang ulo ko. Alam yun ng nanay ko. Ng barkada ko. Ng pinakamamahal ko.
Ewan ko ba, pag kasi may sugat ka sa labi, parang masakit ang lahat ng bahagi ng katawan mo. Ayokong-ayokong nagsasalita tuwing may singaw ako. Lalong higit, ayokong kinakausap ako.
“Kris tapos na ba?”
Tulad ng dati, parang isang kabuteng bigla na lamang sumulpot ang bansot kong boss. Natigil ang halos tatlong oras kong pag-iisip kung bakit ba nilikha pa ang singaw.
Sa tindi ng sakit ng magkakambal ko pa man ding singaw, di ko talaga maibuka ang bibig ko. Nakatingin lang ako sa nanlilisik na mga mata ni Boss Bansot. Gustung-gusto ko sanang sabihin, “sir pasensya na po, kung tinatae lang ang bawat ideya at mga salita, tapos ko na ang pinapagawa nyo!” Pero nanatiling nakatikom ang bibig ko.
“BUUUUUUUUGGGGGGGGGGGGGGGGGGGGGGGGGG!!!!!!”
Galit na binagsak ng aking boss sa aking lamesa ang palagian nyang hawak-hawak na libro na may pamagat na Anger Trap ni Les Carter.
“Di ka pinapasuweldo dito para lang tumunganga! Alalahanin mo, di ka pa regular dito, pwedeng-pwede pa kitang tanggalin kahit anong oras!”
Habang sinasabi nya ang mga linyang yon na makailang ulit ko nang naririnig, kitang-kita ko ang pamumula ng ilong nya. Kaagad din nabasa ng pawis ang dibdib at kili-kili na bahagi ng kanyang asul na barong. Ganoon sya tuwing nagagalit.
“ Ano sabihin mo lang kung hindi mo kaya ang trabaho dito, marami ang naghahanap dyan. Kris alam mo hindi…”
Di ko na binalak intindihin pa ang bawat litanyang naging pangaraw-araw ko nang naging almusal sa opisina. At di ko rin alam kung ano ang sumapi sa akin ng mga sandaling yon.
Dati, sa tuwing nagagalit si Boss Bansot, may singaw man ako o wala, kaagad akong hihingi ng sangkaterbang pasensya at mangagakong kaya kong tapusin ang pinapasulat nyang nobela bago kainin ng buwan ang kalangitan. Pero sa mga sandaling yon, nanatiling nakapako ang aking tingin sa kanya. Naisipan kong pag-aralan ang bawat galaw ng bibig nya. At sa unang pagkakataon, humanga ako kung paano sya nakakapagsalita ng walang hingahan. Habang pinagmamasdan ko ang mabilis na pagtikom at pagsara ng kanyang bunganga sa pagsasalita, bigla ko na lang naisip na sana tubuan sya ng maraming singaw na di na maaalis kailanman-sa labi,sa gilagid,sa dila, at kung maaari tatadtarin na rin ng namamaga’t malalaking singaw ang kanyang lalamunan.
“ Siiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiir!!! Siiiiiiiiiiiirrrrrrrrrrrrrr!!!!”
Parang bigla na lang akong nagising mula sa isang napakahabang panaginip nang magkagulo ang bawat tao sa opisina. Nagulat na lang ako nang makita kong nakahandusay sa sahig si Boss Bansot. Dumudugo ang bibig. Matalas pa rin ang tingin nya sa akin. At kahit halos di na sya makagalaw, umuungol sya na parang isang asong buntis habang nakaturo sa aking kinatatayuan na para bang nagsasabing “sya, sya ang may kagagawan ng lahat!” Dahilan upang ibaling naman sa akin ang atensyon ng mga tao sa opisina.
“Anong ginawa mo?”
“Paano nangyari ang lahat?”
“Bakit di mo ginalang si Sir?”
Sunod-sunod ang pagtatanong nila sa akin. Pakiramdam ko nililitis ako sa isang korte. Dahilan para sumabog naman ang iniimpit kong galit.
“I … didn’t kill… anybody! Mga hayoooop kayo!!”
Dumadagundong ang puso ko pagkatapos ko isigaw ang mga yon. Dali-dali akong lumabas ng opisina. Nakahinga ako ng maluwag nang malanghap ko na ang sariwang hangin sa labas.
Masakit pa sa balat ang dala ng init ng araw. Pero di ko maiwasang sumipul-sipol at kumanta-kanta hanggang sa makasakay ako ng Philcoa jeep.










6 ang nagreact:
lols...
anu ba nangyari?
hehehe
diko nalasahan..
sandali babasahin ko nga ulit..
sinuntok mo ba? hehe. minsan kasi talaga kahit anong pasensya mo pag napuno hindi mo na talaga mapipigilan eh.
Moms... Check Nyo
ayus! pa sipol sipol lang! pag katapos...
sinuntok ba niya nakakaluwag ng kamao..hehehhe
sweet revenge! hehehe
ako din nag kasingaw last2 week
at meron padin sya til now. nak ng tokwa
papano ulet mag nomina?..hehehe
Post a Comment