WARNING: Dangerous To Read. Nakababaliw
“ Kasi baliw ka.”
“What do you mean?”
“Weird, ganon.”
“Natatakot ka na ba sa akin?”
“To be honest with you,oo.”
“…., gusto mo na akong iwan?”
“Siguro.”
*
Siguro. Siguro tama na rin para iwan s’ya. Siguro tama na rin ang sangkaterbang breakups. Ilang beses na rin naman naming sinubukan. Ilang beses nagkapatawaran. Pero siguro hanggang dito na lang. Mahal pa namin ang isa’t isa. Pero siguro may mga bagay na kailangan talaga ng ending. Pareho na kasi kaming nagkakasakitan. Hindi na healthy. At siguro tama s’ya, baliw ako. Baliw ako. Kaya gusto n’ya akong iwan. Baliw ako. Kaya gusto ko na rin s’yang iwan. Palayain. Siguro.
*
“Kasi baliw ka.” Paulit-ulit ang mga katagang yon sa isipan ko habang lumalagok ng nagyeyelong red horse beer kagabi. Natawa ako. Naiyak. “ Kasi baliw ka.” Paulit-ulit. Hanggang sa hinele ako nito sa mahabang panaginip habang akap-akap ang kanyang puting blouse na kanyang sinuot noong huli kaming nagkita. Mahigpit kong akap-akap iyon habang inaalala ang mga maiinit na sandaling kapiling s’ya.
Baliw ba ang tawag do’n?
*
Noong bata pa ako may mga bagay akong ginagawa na pati ako ay di ko maintindihan kung bakit. Akala ko normal lang ang mga yon, pero nang minsang ikuwento ko iyon sa aking pinsan na lumuwa ang mga mga mata sa aking mga sinasabi, alam kong nalalayo ang ugali’t ginagawa ko kumpara sa iba.
Natatandaan ko pa, mahilig ako noon magtago sa loob ng isang cabinet. Ginagawa ko iyon tuwing naglalaro kami ng taguan sa buwan. Madalas, ay dahil sa pagkakasala. Minsan pag may naririnig akong mga di pangkaraniwan na boses, at nakakakita ng mga anino. Mainit sa loob. Tumatagaktak ang pawis ko. Abot-hininga. Pero ewan ko ba kung bakit nanatili pa rin akong nakangiti. Siguro ay dahil sa masikip at madilim na taguan lang ako ligtas.
Mahilig din akong saktan ang sarili ko noon, at hanggang ngayon pero di na madalas tulad ng dati. Madalas kong hinahampas ang sarili ko ng isang ruler o ng kahit anong stick. Madalas ay dahil sa kasalanan kong nagawa. Minsan naman ay dahil nakasanayan na ng aking isipan at katawan. Malalakas na hampas na nagtatagal sa mapayat kong mga braso’t hita. Paulit-ulit yon hanggang di ko nakikitang namumula ang aking balat. Pero ewan ko ba kung bakit di ko maramdaman ang sakit. Di ako makaramdam kahit kaunting sakit. Pero patuloy ang pagbuhos ng luha ko.
Isa pang naaalala ko na madalas ko ring ginagawa na di ako nabibigong patawanin sa tuwing naiisip ko ay ang mga panahong ginugupit ko noon ang aking mga damit sa tuwing masama ang loob ko at galit ako. Sa kanila. Lalong higit sa aking sarili. Natatawa ako dahil ang pinipili kong gupitin at sira-sirain ay iyong mga damit kong luma na at posibleng di na magagamit pa. At sa oras na pira-piraso na ang kawawa kong mga damit, itatago ko ang mga yon sa mga lugar na di mapapansin ng aming taga-linis.
At dahil sa mahilig ako sa mga pelikulang malulungkot ang tema at laging namamatay ang bida, sinusubukan ko rin na maranasan kung ano nga ba ang pakiramdam ng isang naghihinalo’t malapit nang magpaalam sa mundo. Susubukan kong di huminga noon habang susubukan ding bumilang mula isa hanggang isang daan. One…two…. Forty-two…. Forty….. Saklolo! Nakakatakot pa lang maramdaman na parang di na tumitibok ang puso mo. Baka maihip ako ng hangin at tuluyan nang makalimot na huminga.
At oo ginagawa ko rin ang pinaka-classic sa lahat, yung maglaslas ng pulso. Ginagawa ko iyon sa pamamagitan ng isang blade o kahit pa yung ginagamit sa panlinis ng kuko. Bakit ko ginagawa? Dahil gusto ko. At gusto ko. Sa una, masarap. Sa kalagitnaan, masakit. Nakakatakot na sa huli. Di na baleng makakita ng dugo ng iba.
Baliw bang matatawag ang mga yun?
*
Mula nang makilala kita, tumino naman ako sa paraang gusto ko, sa paraang alam kong magugustuhan mo. Mula nang makilala kita, sa’yo na umikot ang buong mundo ko. Lahat ng musika parang tumutukoy sa’yo. Sa atin. Lahat ng mga tula. Parang pwedeng ialay sa’yo. Sa atin.
Marami tayong binuong pangarap. Sabi ko pa nga sa’yo no’n, lahat ng mga imposible, gagawin nating posible. Humanga ka sa akin no’n. Sabi ko pa, sa’yo ko lang natuklasan ang hiwaga ng tunay na pag-ibig. Sabi mo sa akin, iba ako sa lahat ng mga nagmahal sa’yo. Ako ang pinaka. Ako ang higit sa lahat.
Sabi ko pa sa’yo no’n, dumating man ang oras ko, ikaw pa rin ang patuloy kong mamahalin hanggang sa kabilang buhay. Dahil nararamdaman ko na ikaw lang ang nakatakda para sa akin. At isang ngiti lang ang naitugon mo do’n.
Sa’yo ko natagpuan ang sarili ko, ang tunay na kaligayahan. Masaya ka sa akin diba? Pinaniwalaan kita. Pinaniwalaan natin ang isa’t isa.
Di pa pala sapat yon.
Ang malaman na takot sa’yo ang kaisa-isahang taong pinakamamahal at pinaka-iingatan mo, ay sapat na upang wakasan ang ugnayan mo sa kanya.
Wala akong ibang inisip at pinangarap kundi ang pasiyahin ka. Kung baliw man ako sa paningin ng iba, at kung baliw man ako sa iyong pandama, iyon ay dahil mahal na mahal kita. Ngunit kung ang kabaliwang ito ang magiging sanhi ng pagkatakot mo sa akin, at magiging sanhi ng unti-unting pagbabago mo sa akin, walang ibang nararapat na gawin kundi ang limutin natin ang isa’t isa. Masakit. Pero sa bandang huli, sa tuwing naiisip ko na magiging masaya ka sa isang taong di tulad ko, kahit paano, magiging maligaya na rin ako.
Ilang taon pa siguro ang bibilangin bago ko matanggap na wala ka na sa akin, na wala na ang mga pangarap na parang kailan lang natin ipinanalangin at ipinaubaya sa mga ulap.
Ilang taon ko rin sigurong aakapin sa aking pagtulog ang puting blouse na sinuot mo noong huli tayong nagkita.
Di ko alam kung hanggang saan at hanggang kailan ako tatangayin at lulunurin ng kabaliwang ito.
Siguro habambuhay.
At siguro rin hanggang sa kabilang buhay.
-insomniac05(1-12-09)










6 ang nagreact:
totoo a to o gawa gawa lang?
taena.. anglupit... ramdam ko ang pakiramdam mo... nababaliw ka na nga! nababaliw ka dahil sa mahal mo!!
pero tama yung sinabi mo, maging maligaya ka nalang sa kung saan man magiging maligaya yung taong mahal mo.
ang lupit!!!
naramdaman ko ung sakit na naramdaman--nararamdamn nung nagsulat. naluha ako. wala akong ibang masabi
uuuggghhhh...I hate sad stories.... pero ganun talaga ang buhay...hindi perpekto... nagkakamali...nadadapa...nalulungkot...
nadedepress...
nababaliw...
..pero sana maka-ahon sya sa nakakalunod na baliw na pag-ibig..:)
sana nga makamove on siya. nakakrelate ako ^^
Panalo!!! -------->>> "Ilang taon pa siguro ang bibilangin bago ko matanggap na wala ka na sa akin, na wala na ang mga pangarap na parang kailan lang natin ipinanalangin at ipinaubaya sa mga ulap."
maraming salamat sa mga nag-komento... unang pagkakataon kong nagsumite ng isang kuwento para sa isang dakilang website tulad nito:-) totoo o hindi totoo, kayo na lang bahala ang maglapat ng inyong mga opinyon=) para sa namamahala ng damuhan, maraming salamat sa pagpapalathala ng aking sulatin. nagulat ako nang bumulaga sa aking paningin ang aking kuwento nang buksan ko ang damuhan... maraming salamat!
Post a Comment